Friday, October 8, 2010

Rush Hour

ngayon pa lang ako tunay na nakipagsapalaran sa pagbiyahe. Sa haba ng pila sa mga itinalagang "loading and unloading" area ng MMDA, mapapaisip ka kung kailangan mo na ba talagang umuwi o pwede bang hintayin munang humupa ang bagyo sa kalsada.




May tumatakbo, may nagdadasal, may kumakain, may nagtetext, may nag-iisip. Lahat sila naghihintay sa tila Last Trip na bus. Tayong mga Pilipino ay sadyang mahilig makipagsapalaran para lamang sa ating mga mahal. Hindi iniinda ang haba ng pila, ang tayuan na bus o ang malagkit na ordinary bus, di alintala ang init at alikabok dulot ng maghapong init at usok mula sa libo-libong sasakyan na bumabagtas sa ating mga kalsada.




Dala ang aking malaki at mabigat na knapsack, ipinilit ko ang aking sarili sa aircon bus sa Cubao biyaheng fairview. Di bale nang nakatayo ako, saglit lang naman ang biyaheng Cubao-Philcoa. Puno ang bus, parang sardinas ika nga (pero maling analogo dahil mismong lata ng sardinas ngayon ay hindi na siksik). Umaapaw? Maaari dahil pagkakatanda ko, hindi na halos maisara ang pinto ng bus dahil sa dami ng laman. Habang nakakapit sa mainit na "pole", tinatagan ko ang sarili ko. Tahimik ang bus maliban sa mga busina sa labas, boses ni Mike Enriquez at sigaw ng konduktor. Marahil may mga nagdadasal, nagpupumilit matulog o di kaya'y lunod sa musika ng kanyang mp3 o ipod. Sa bilis ba naman ng takbo at bara-barang pagtapak ng drayber sa silinyador, sinong hindi matatahimik?




Dito ako namulat kung anong klase ang programang transportasyon sa ating bansa.




Iyon na yata ang pinakamatagal kong biyaheng Cubao-Philcoa. Umaasa ako na sa bawat hinto ng bus ay marami ang bababa kahit hindi ko maranasan ang umupo, basta lumuwag lang ang bus. Pero sa bawat may tatlong bababa, may limang sasakay. Ang pagkakaalam ko, aircon bus iyon pero bakas ang mga pawis sa aming mga damit at lalo na sa hangin. Malalanghap ang pinagsama- samang amoy ng Makati, Mandaluyong, Quezon City, Paranaque at Pasay.


Napaisip ako kung sulit ba ang onse pesos na ibabayad ko? Mahigpit kong hinawakan ang barya habang sumusunod sa galaw ng bus ang buong katawan ko. Hinintay ko ang konduktor na singilin ako, pero dahil puno ang bus, tulad naman hirap siyang ipagsiksikan ang sarili upang iabot ang tiket ko. Sa wakas, may bumabang pasahero mula sa upuan sa tabi ko. Nakaupo din, maginhawa na ang pakiramdam ko pero ganoon pa rin - masikip, maalinsangan.




Natatanaw ko na ang City Hall pero nakadikit pa rin sa aking mga palad ang mga barya. Hinihintay kong sitahin ako ng konduktor. Lumapit siya pero nabaling ang isip ko sa kung papaano ko makakarating sa may pintuan sa lalong madaling panahon. Tumayo ako at binagtas ang "aisle". Muli, parang napakahaba ng daan na iyon dahil kailangan isiksik ang sarili sa maliit na espasyong ipinagkaloob ng madla.




Sa wakas, narating ko rin ang pinto. BUmukas ito at mabilis akong lumundag palabas dahil alam kong may mga pagkakataong, nagmamadali ang drayber at maaaring maiwan ang kalahati ng katawan ko kung mabagal ako.




Hay. Salamat at buhay pa ako at buo pa ang aking katawan habang nakaipit pa rin sa aking palad ang onse pesos.


** Ito ay para sa lahat ng nais na makauwi sa kanilang mga mahal sa buhay sa madaling panahon at ligtas na paraan.